Miyerkules
na naman. Ang bilis ng mga araw. Ay, hindi pala. Mabagal. Sana nga’y Oktubre na
eh.
Matagal
din akong hindi nakapagsulat dito sa aking blog. Nalipat kasi ako ng workplace
at talaga namang ga-bundok ang dami ng tatrabahuhin ko. Nakakaya ko naman. Ako
pa? Pero alam mo, nalungkot lang ako kahapon. Kasi ba naman, nag-a-la-janitor
ako sa opisina. Naglampaso at nagwalis. Propesyunal ako ha? Titulado pa. Pero
yun ang utos sa’kin nung bago kong boss eh. Wala akong magagawa. Basta,
nakakalungkot na nakakaasar. Nakakaawa akong tingnan.
“Kumusta
ang trabaho mo?”
“Mabuti...mabuti...”
Pero
hindi yun ang ikukwento ko ngayong araw. Hindi iyon. Minsan na nga lang ako
magsasalaysay tapos trabaho na naman? Tama na siguro yun sa opisina. Iniwan ko
muna yun dun. Balikan ko bukas. Parang marami-rami akong sasabihin sa’yo
ngayon. At baka maging mahaba ang entrada ko. Pang-bawi na lang siguro sa mga
nakaraang araw na wala ni isang artikulong naisulat o naibahagi man lang.Kahit
na subsob pa din ako sa trabaho ay hindi ko pa din iniwan ang tungkulin kong
mag-aral. Ewan ko ba. Sadyang gusto ko lang talagang gawin ito. Ang saya kaya!
Saka para din naman iyon sa kinabukasan ko eh. Naniniwala kasi ako dun sa
kasabihan na mas mabuting mas higit ang itinatanim mo ngayon kaysa ang
pag-aani. Parang larong farmville lang (oops, hindi ako naglaro nito dati.
Sinabi lang sa’kin ang basics ng laro), may mga oras para sa pagkuha ng mga ani
mo. May matatagal anihin, may madali. Pero mas pabor ako dun sa matatagal.
Long-term eh. At saka, parang pananggalang ko na din yun at insurance para sa
aking buhay sa hinaharap. Okay na sa’kin ang unti ngayon pero sandamak-mak
sampung taon mula ngayon. Mamuhunan, ika ng iba. Ngunit hindi din ako sa pera.
Desidido ako sa karera. Pangalawa lang ang pangangailang pananalapi. The best
things in life are free, di ba? Ayun,
nag-advance study pa din ako para sa susunod na certification program na aking
papasukin sa susunod na buwan. Basta aral muna at trabaho, sabay laro syempre.
Babasagin ko kasi ang kaseryosohan ko nun kapag naglaro ako. At isa pa, mahirap
ang masyado sa aral. Baka kung ano ang mangyari. Hindi
ko nais na kolektahin lahat ng pwedeng titulo na katulad ng pagiging CPA. Oo,
asaran naming magkaka-klase nung nasa kolehiyo pa ako na pahabaan daw kami ng
pangalan pagdating ng panahon. Kung sino ang manalo, siya ang pinaka-elite sa
amin. Elite. Okay, sabi mo eh. Pero, may mas malalim akong dahilan. Ganito kasi
iyon.
Noong
bata pa ako, laging kawawa ang pamilya namin sa mga kamag-anak namin. Lagi na
lang kaming niyayabangan at parang saling-pusa sa kanila. Ultimo mga pinsan ko,
ganun sa’kin pati na sa kapatid ko. Halimbawa, naaalala ko noon, tinanong ako
ng nakatatanda kong pinsan, “8+5”. Hindi ako umimik. Nag-isip talaga ako. Bata
pa ako nun at talaga naman mahiyain. Tahimik. Tahimik ako nun. Paiyak na nga
ako nun eh. Walang anu-ano’y sinabi sa’kin ang sagot ng pinsan ko. Itinapat
niya pa nga sa’kin ang mga daliri niya para bilangin ko. Ang saklap, di’ba?
Bata pa ako nun pero nakaramdam ako na ang bobo ko. Bobo ako, salamat sa kanya.
Ang kulang na lang ay sabihin sa lahat ng andun sa bahay nila na simpleng
tanong lang ay hindi ko masagot. Bobo mo, bobo! Umiyak ako nun. May uhog pa. Isang
halimbawa pa ay nung medyo malaki na ako. Siguro nasa elementarya pa ata ako
noong mga panahon na iyon. Nagtanungan kaming magpipinsan kung ano ang nais
namin pagtanda namin. Sinabi agad ng pinsan ko na gusto niyang maging emperador
(hindi yung alak ah). Namangha ako, malamang. Kahit di ko alam ang ibig sabihin
nun ay sadyang nabilib ako sa kanya. Ang sarap kasing pakinggan eh. Sarap sa
tainga. Sunod na nagsalita ay ang kapatid ko. Sinambit niyang, “Gusto kong
maging hari!” Nakatawa pa siya nun at todo ngiti. Ako naman, bumilib din sa
kanya. Kasi alam ko ang ibig sabihin nung salitang “hari” pero ang "emperador",
hindi. Hari, may sariling kaharian na nasasakupan. Emperador? Ano iyon? Maya-maya
ay tumawa ang pinsan ko ng malakas. “Mas mataas pa din ang emperador kaysa sa
hari mo!” Hagakpak ang tawa niya sabay batok sa kapatid ko. “Ang bobo mo”, sabi
pa niya. Umiyak ang kapatid ko. Paiyak na din ako noong mga oras na iyon. Ang
ayaw ko kasi sa lahat ay ang nakikitang umiiyak ang kapatid ko. Nahahawa ako
eh. Sobra! Bigla akong sumigaw. Malakas na sigaw. “Gusto kong maging diyos!”,
yun ang eksaktong sinabi ko. Natahimik siya. Lumapit. Sabay, sinapak ako.
“Diyos mo, mukha mo! Hahahahaha!"
Ewan
ko kung bakit ganun ang kinalakihan ko sa angkan namin. Akala mo naman ay kung
sinong mayaman at napakagandang kurso ang tinapos. Kahit nga yung usapan namin
noong mga ilang taon na ang nakakalipas tungkol sa pelikulang The Da Vinci Code
ay hindi rin pinalampas. “Bago mo panoorin iyon, basahin mo muna ang libro!”
Anak ng?! Hanggang dun ba naman? Kailangan ko pa bang tanggapin o aminin sa
kanila na hindi ko sila ka-lebel o kapantay sa mundo nilang sadyang hirap
abutin? Na sila na ang pinakamatalino sa amin, pinaka-astig, pinakahabulin ng
mga babae? Ang pinaka?? Iyon na lang ba lagi ang sukatan? O talagang dapat may
sukatan ang lahat? Nakakalungkot...sila.
Pero
teka, sadyang nakakatawa ang mga nangyari. Kung iisipin ko nga yang mga yan ay
matutuwa na lang ako at tatawa ng palihim. Maniwala ka man o hindi, nasa
memorya ko ang mga ito. Oo, galit ako sa kanila. Sobra!! Kahit nga yung propesyon
ko o yung kursong accountancy noong nasa unang taon pa lang ako sa kolehiyo,
hindi din pinalagpas eh. “Bakit? Ilan lang bang CPA sa isang kumpanya ang
kailangan?” “Kaya mo ba? Baka di mo kayanin”. “Taas ng pangarap ah”.
Pusang-gala! Tama na! Tantanan niyo ang pangarap ko. Hindi pa ba sapat na kayo
ang naghulma ng pagkabata ko? Kung paano ninyo ipinamulat sa’kin na ano ako sa
mundo? Na isa akong bubwit at kayo ang aapak sa’kin? Kayo ba ang nagpapakain at
nagbabayad sa matrikula ko? Hindi di’ba? Eh bakit panay ang pakikialam niyo?
Propesyonal
na ako ngayon. At oo, naglampaso ako kahapon. Nagwalis pa nga. Pero kahit ganun
pa man, at nakakatawa mang isipin, may isang bagay sa mundong ito ang sigurado. Umiikot.
Pero masaya naman
ako, walang biro yun ah. Nagagawa ko pa din naman ang gusto ko.
Nakakapagtrabaho kahit minsan ay wala na sa linya ko. Nakakapaglaro din.
Nakakapagbasa ng mga libro. Nakakapag-aral ulit. Masaya kahit ganun. Tawa na
lang. Sabay ngiti. Kumanta ka pa, pwede din.Simula
nung naabot ko ang pangarap ko, hindi ko na nakausap ang mga pinsan ko. Mga
gago eh. Akala mo ang gagaling eh sila ngayon ang tumiklop. Niluto nila ang mga
sarili nila. Ayaw ko ng sabihin kung ano at nasaan na sila ngayon. Basta ang
sasabihin ko sa’yo, mas angat na ako. "CPA, for the win!", sabi nga ng kapatid
ko. Kung may lawyer pa sana sa mga pinsan ko eh sana ako ang titiklop. Wala eh.
Ako din ang kukuha nun. Tatalon ako ng malayo para hindi nila ako maabutan.
Kainin nila mga kayabangan nila. Okay lang sa’kin kahit hindi nila ako pansinin
o pinapansin. Sanayan lang. Oo, sanayan lang. Ganun talaga ang senaryo kapag
naungusan. Dedma.
Siguro
iyon nga ang naiisip kong dahilan kung bakit ko gustong mag-aral. Marahil,
hindi rin lang iyon. Malay natin.
“Kuya,
si Byron oh. Ang pinsan natin.”
“Magaling ba ‘yan?”, tanong ko sa kanya.
Sukatin natin ang mundo. Bow.