Kwentong pang-miyerkules.
Noong isang linggo, nakausap ko sa telepono ang isa kong kaibigan na CPA din. Sa totoo lang, magaling yun pagdating sa accounting. Kung magaling ako sabi ng iba, di hamak na mas magaling yun. Tatlong beses pa ata kaysa sa'kin ang lupit nun pagdating sa propesyon namin. Isa din yun sa mga idolo ko eh. Tapos, babae pa siya. Haha!
Ngunit nakakairita lang nung huling pag-uusap namin nung isang linggo. Katunayan nga nyan eh, may balak kaming manood ng sine at ang panonoorin pa namin dapat nun ay Cars 2. Teka, bago muna 'yun, dun muna ako sa iku-kwento ko.
Lumipat ang usapan namin nun sa pelikulang Captain America kasi nga nabanggit ko ata 'yun sa kanya. Oo, napanood na din daw naman niya 'yun. Nang tinanong niya sa'kin kung napanood ko na ang palabas, sinabi ko agad na, "Oo, ako pa." At ayun na nga ang nangyari, inasar niya ako. Kaya ko daw pinanood 'yun kasi dahil sa aktor na si Chris Evans na gumanap bilang si Captain America. Ang laki daw kasi ng katawan. Sabi ko na lang sa sarili ko, "Parang bading ako ah." Oops, bago ka mag-kumento, hindi ako ganun. Ang layo at suntok sa buwan 'yun. Iyon lang talaga ang pang-aasar niya sa'kin. Pa'no ba naman kasi, para kasing babae ang mukha ko. Okay, ituloy ko na. Tumawa ako nung sinabi niya sa'kin yun pero pinagdidiinan pa din niya na 'yun lang ang ipinunta ko sa sinehan. Dahil sa katawan. Kaya para matapos na ang ganung kumento niya, sinabi kong, "Kaya ko pinanood 'yun kasi ang ganda ni Agent Carter". Tumahimik siya. Nag-isip. Sabay sabing, "Sino 'yun?" Ako naman, nagulat. Biruin mo, sabi niya ay napanood niya 'yun pero di niya kilala? Alam mo kung ano ang naging reaksyon ko nung nagtanong siya nun? Sarap batukan. Sobra. "Ha? Siya yung love interest ni Steve sa pelikula. Di mo ba alam 'yun?" Dinagdagan ko pang, "I have this thing for brunettes. That's why." Iyon, natameme siya. Hindi ko lang masabing, "Sino ngayon ang nanood lang nun dahil sa katawan nung bida? Sino sa atin ngayon ang nakaintindi ng kwento?" Hindi. Hindi ko sinambit syempre. Kahit na naiirita ako dahil dun, tahimik na lang.
Ang mahirap kasi sa mga pinoy ngayon, akala nila alam na lahat. Ultimo simpleng bagay ay hindi pinagtutuunan ng pansin. At hindi porket magaling ka eh magaling ka talaga. Dun ako sigurado.
Lumipas ang ilang mga araw at hindi na natuloy ang plano naming manood ng sine. Siguro nahiya sa'kin. Marahil ay ayaw niyang malaman ko na isa din siya sa mga pinoy na nanonood lang ng pelikula dahil maganda sa paningin pero ang pag-intindi sa kwento at mga karakter ay sadyang mababaw; o ang masaklap pa eh, hindi nila alam ang ginagawa.
Nakakalungkot.