Ang Daang Pabalik

"At saan ka naman pupunta ngayon?"


"Ah, pupunta po ako ng Baguio. Gusto ko po talagang pumunta dun kahit noon pa."


"Bakit di ka na lang maghintay muna ng mga ilang araw para tayong lahat magkakasama? Sa kamakalawa na ang dating ng ama mo. Yung kapatid mo naman ay may mga eksamin lang hanggang bukas. Di naman siguro masamang maghintay, anak."


"Ina, naka-plano na po ang pag-alis ko ngayon. Di po kasi aari na sa mga susunod na araw pa. Kung natatandaan po ninyo, may 
trabaho na ako sa darating na lunes."


Hindi na nakapagsalita pa ang aking ina ng sinabi ko ang dahilan ko. Sa katunayan naman talaga ay gusto kong umalis muna ng tahanan namin. Gusto ko kasi ang paglalakbay at pagpunta sa mga lugar na madalas puntahan ng mga turista. Oo, nakakapunta nga ako sa ibang bansa samantalang ang dito lang sa sariling bansa ay hindi pa mapuntahan. Para san pa ang pagiging pilipino ko? Hahayaan ko na lang bang maging turista ako sa sariling bansa? Parang ang sama naman tingnan nun, di ba?


"O sya, ikaw ang bahala.", sabi ng aking ina. Nasa 50-anyos na ang aking ina at kahit ganun ang edad niya, mukha pa rin syang 30-anyos. Di ko alam kung anong sikreto ang ginagawa niya sa sarili niya. Biruin mo, mas mukhang bata pa siya sa aking ama eh kung tutuusin ay mas matanda ang edad ng ina. "Dala mo ba ang telepono mo? Tumawag ka sa akin kapag nandun ka na, maliwanag?"


"Opo. Kilala niyo naman po ako. Ako pa."


Lumabas na ng aking kwarto ang aking ina. Isinara ko muna ang pinto ng bahadya at umupo ako sa aking kama. Katabi ko ang mga bag na aking gagamitin para sa pag-alis. Laman nito ay puro damit. Ginawa kong tig-aapat para kung sakaling may mangyari ay may reserba ako. Naglagay din ako ng dalawang libro para may mabasa ako sa daan. Di ko kaya ang walang binabasa. Ewan ko ba. Uhaw na uhaw ako sa kaalaman. Di naman siguro masama yun. Pero minsan sabi sakin ni ina na parang lason daw ang kaalaman. Pwedeng ikasira ng pagkatao ng isang indibidwal. Una kong naisip na baka mabaliw pero hindi. Hindi magbibigay ang aking ina ng ganung sambitin kung ganun lang ang magiging epekto. 


Maaraw ngayon. Dinig ko ang mga ibong lumilipad malapit sa bintana ng aking kwarto. Binuksan ko ang bintana at dumungaw sa labas ng aming tahanan. Lumipad papalayo ang mga ibong kanina-kanina lang ay hawak-kamay na sa lapit. Nasilaw ako sa sikat ng araw. Mainit na pakiramdam ang dumampi sa aking mukha pati na rin sa aking balat. Ang araw, sadyang mainit. Di mahawakan pero dama ang mala-apoy na sikat. 


Isinara ko na ang bintana. Kinuha ang aking bag at huminto ng sandali. "May nakalimutan pa ba ako?", bulong ko sa aking sarili. "Meron ng damit. Ang relo ko, suot ko na. Payong. Tsinelas. Panulat. Papel. Telepono. Charger. Ano pa?" "MP3. Netbook. Ha? Dala ko pa pala pati ang netbook ko. Parang ang bigat na ng dala ko ah."


Habang inaalala ko ang mga aking dadahin ay pumunta na muna ako sa salas. Inilapag ko ang mga gamit ko. Nanonood ang aking ina sa telebisyon. Humahalakhak at tumatawa. Yun na namang paborito nyang palabas ang kanyang pinapanood. Tumabi ako sa kanya sabay halik sa kanyang pisngi. 


"Yung lalagyanan mo ng tubig, baka makalimutan mo pa. Alalahanin mo, yan ang sakit mo nung bata ka pa. Mabilis ka ma-dehydrate.", binigkas ni ina. 


"Nasa ref pa po, 'nay. Kunin ko 'pag paalis na ako."


"Bakit? Hindi ka pa ba aalis? Anong oras na ah."


Tumingin ako sa orasan namin sa salas. Alas-dos pasado na ng hapon pero ang liwanag sa labas dahil sa sikat ng araw. Aakalain mong magta-tanghali pa lang. 


"Kunsabagay, dala mo naman ang auto mo. Magiging mabilis lang ang byahe. Mag-ingat ka sa pagmamaneho. 'Wag kang magmadali. Hindi ka naman pati nagmamadali.", paalala sakin ni ina.


"Di ko po dadalhin ang auto ko. Sasakay na lang po ako papunta doon."


"Ganun ba? Akala ko dadalhin mo yun."


"Baka po kasi mamroblema pa ako sa paradahan. Saka mag-isa lang naman po ako. Ako na pong bahala sa diskarte."


Pumunta ako sa kusina at kinuha ang lalagyanan ko ng tubig sa ref. Kumuha din ako ng hamon at inilagay ko sa platito. Kinuha ko ang kutsilyo at humiwa ako ng mga kaunting piraso. Inilagay ko ulit ang natirang hamon sa ref. Kung pwede ko lang sanang dalhin ang hamon na yun. Makakatipid pa sana ako sa gastusin. Inilagay ko ang mga piraso ng hamon sa oven toaster at pinihit ko ang timer sa 5 minuto. Tiningnan ko ang loob ng toaster. Unti-unting lumiliwanang ang mga ilaw nito. Walang anu-ano'y naalala ko ang aking panaginip. 


Nasa isang lumang gusali daw ako. Bumababa ako ng hagdan. Madilim ang paligid ngunit nasisinagan naman ng buwan. Gula-gulanit ang mga dekorasyon sa gusali na animo'y ninakawan o nasunugan, o pareho. Mag-isa kong tinahak ang pasilyo sa gusali ng makababa na ako sa hagdan. Naaninaw ko ang isang pinto sa dulo nito. Patuloy kong nilakad ang daan patungo sa aking nakita hanggang sa masilayan ko ang mala-kulay putik na kabuuan ng pinto. Binalot na ng kalawang ang tangnan ng pinto. Madungis, maalikabok, at makaluma ang pintong ito na ngayon ko lang nakita. Una kong impresyon ay sigurong nakakandado ang pinto. Dahil mausisa ako, hinawakan ko ang tangnan ng pinto at dahan-dahan kong pinihit. Bumukas ang pinto. Nakaramdam ako ng takot sa nangyaring yun. At dahil nandun na rin lang, pumasok ako sa loob ng silid na iyon. Hindi gaano madilim ang paligid. Abot pa rin naman ng sinag ng buwan mula sa kalangitan. May mga lalagyan ng libro akong nakita. Puro agiw na ang mga ito. Kung aking natatandaang mabuti ay higit kumulang tatlo ang mga nakita kong ganun. Di gaanong kalakihan ngunit kayang lagyan ng daang-daang mga babasahin. May ilawan na marahil ay noong una pa ginagamit. Isang pares ng sapatos na pambabae na sira na ang takong. Padilim ng padilim ang paligid hanggang sa bumungad sa aking harapan ang isang malapad na mesa na may dalawang kahon (drawer) sa ilalim. Ang isang nasa kaliwa ay may hawakan ngunit ang isa sa kanan ay wala. Bigla ko na lang naramdaman na may hawak akong hawakan para dun sa isa. Inilagay ko ang hawakan at nang inakma kong bubuksan....


"Ting.. ting.. ting.."


Nagulat ako sa aking nakita. Wala na ako sa aming tahanan. Akala ko ay tunog ng oven toaster ang aking narinig na nagsasabing tapos na ang 5 minutong pag-init sa hamon. Pero hindi. Tunog pala iyon dito sa istasyon ng tren na nagsasabing papalapit na ang susunod na tren. 


"Pinapaalala lang po namin sa mga pasahero na paparating na ang susunod na tren. Ito na po ang huling byahe sa araw na ito dahil po sa di magandang panahon. Nawa'y maintindihan niyo po ang sitwasyon. Maraming salamat po."


Hindi ako makapaniwala. Hindi ko alam kung nasaan ako. Ang tanging hawak ko ay ang tiket at ang lalagyanan ko ng tubig na ngayon ay nasa kalahati na ang laman. Gusto kong umiyak pero para saan pa? Iiyak dahil nawawala o dahil sa di alam ang nangyayari? Pareho. Pareho talaga. 


Uminom ako ng tubig habang nakapikit ang aking mga mata. Sinabi ko sa sarili ko na nananaginip lang ako at nasa amin pa rin ako. Baka nga naman nakatulog lang ako sa amin. Baka. Marahil. Binuksan ko ulit ang aking mga mata habang sinasarhan ang lalagyanan ko ng tubig. Nasa istasyon pa rin ako ng tren. Nakaramdam ako ng lamig dahil na rin sa malakas na ulan at hangin na para bang tatlong bagyo na sabay-sabay ang nagsanib. Umupo ako malapit sa may poste ng ilaw. Katabi ko ang isang lalake na nasa 50 o 55 taong gulang na. May salamin sya at nagbabasa ng dyaryo. Walang pasubali, nagtanong ako sa kanya.


"Tatang, ano po kayang oras na?"


Natigilan at isinara ng kaunti ang dyaryo. Tiningnan nya akong mabuti na parang may hinahanap sabay sabing, "Iho, may orasan ka di'ba? Sira ba iyang suot mo? At saka may mga orasan dito sa istasyon. Hindi mo ba sila nakikita?"


Tama nga naman si tatang. May relo akong suot. Tiningnan ko ang relo ko at nakitang hindi na ito gumagana. Nakahinto ang oras nito sa alas-dos bente tres. Kung hindi ako nagkakamali ay ito ang mga oras na nasa amin pa ako. Kahit ang petsa nito ay nakapako sa numero 4. Ano'ng nangyari? Bakit tumigil? Kapapalit ko lang ng baterya nito nung umaga na nasa amin pa ako. Ano pati ang araw ngayon? Naguguluhan ako.


"Tang, pasensya na po kayo. Nasira po kasi ang relo ko. At yung mga orasan naman po na sinasabi niyo na andito ay..." Bigla akong natahimik. Tiningnan ko kasi ang orasan na nasa dakong harapan namin. Oo medyo malayo-layo yun pero hindi ko na sya mabasa. Nakaramdam ako ng pagkahilo. Lumabo ang paningin ko. Di ko na maaninaw ang ibang bagay na malayo sa akin. Ang mga taong nag-aabang para sa tren na halos limang dipa lang sa'kin ay di ko na din maaninag kung lalake ba o babae. Malabo sila. Malabo. 


"..di ko po mabasa. Malabo na po kasi ang mga mata ko." Sabay kamot sa ulo. "Salamat po tatang."


Tumayo ako. Nagbasa ulit ang matanda ng dyaryo. Bago umalis ay tinanong ko ulit ang matanda kung may alam syang malapit na tawagan ng telopono. Wala. Yun ang sabi ng matanda. Putol ang mga linya pati na ang kuryente. Tanging generator lang daw ang nagpapatakbo sa operasyon ng istasyon ngayon. Matapos magpasalamat sa kanya at magpaalam ay tumungo ako sa mga taong nakatayo na nag-aabang sa tren. Wala ang aking telepono, ang bag na dapat ay dala ko. Hindi ko sila dalang lahat. At paano naman ako napunta dito? Kataka-taka naman. 


Naglakad-lakad ako. Narinig sa mga kapwa pasahero na malapit na ang tren at kanila na itong nakikita. Tumingin ako sa aming kaliwa ngunit wala akong maaaninaw bukod sa alam kong tubig ang bumabagsak buhat sa kalangitan. Maya-maya pa'y nagsalita na ang operator ng istasyon na andito na ang tren. Nakita ko ang tren na dumaan sa aming mga harapan habang unti-unting bumabagal para makasakay ang mga pasahero. Maganda ang tren. Bagong modelo siguro dahil ang iba ang kulay sa mga dating nasakyan ko. Kulay asul na may kaunting kulay pula ang tren. Meron din itong watawat ng bansa sa kada pinto ng tren na parang tulad din sa mga dati. Marahil ang malaking pagkaka-iba nito sa mga naunang tren ay makikita ko sa loob. Yun na lang ang sabi ko sa sarili ko. 


Tumigil na ang tren. Eksaktong natapat ako sa pintuang papasok sa loob. 'Pag bukas ng pinto ay nagsakayan na ang mga pasahero. Ang iba ay maraming dalang bag habang ang iba ay kung hindi payong ang dala ay jacket lamang ang suot. Pumasok ako sa loob ng tren. Malawak ang loob nito. Maaliwalas ang paligid. Malinis ang sahig kahit na basa ang mga sapatos dahil sa ulan. May mga kwarto sa tren na parang nasa isang otel lang. Ang ibang kwarto ay saradong-sarado. Siguro para na din sa pagiging pribado ng mga nakasakay dito. May mga kama siguro para pwedeng makapagpahinga. O baka naman natural na ito sa tren na ito. Lumapit ako sa isang tauhan ng tren at ipinakita ko ang ticket ko.


"Ginoo, dito po ang sa inyo. Maaaring sundan niyo po ako.", sabi sa akin ng babaeng halos magkasing-edad lang kami o mas matanda sya ng kaunting buwan. 


Sinundan ko sya habang palingon-lingon ako sa paligid. Akmang naghahanap ng kakilala na pwedeng magpaliwanag kung nasaan ako. Kaso, wala akong nakita. Ang masama pa nun, di ko masyado maaninag ang iba. Malabo. Kailangan ko ata ng salamin. Saan naman ako makakabili nun dito? 


Binuksan ng binibini ang isang silid. Sinabi nyang ito ang magiging tahanan ko habang nasa tren. Matapos ipaliwanang kung ano ang nasa aking silid ay umalis na din ang binibini. Isinara ko ang pinto at umupo sa isang upuan na malapit sa bintana. Malakas ang ulan. 


Dahil sa kagustuhan ko ng sagot sa mga nangyayari, lumabas ako ng aking silid. Isinara ang pinto at naglakad sa direksyon kung nasaan ang unahan ng tren. May isang parte dito sa tren na puro upuan ang nasa parteng kaliwa at bilihan ng pagkain ang nasa gawing kanan. Parang kainan kung ako ang tatanungin. Ang isang parte pa dito sa tren ay katulad din nung mga dating nasakyan ko. Upuan lang na katabi ang bintana. Kakaunti ang nagagawi sa parteng ito. Mas gustong humiga ng karamihan sa mga pasahero sa kani-kanilang mga kama ngayong malamig ang panahon. Ang iba, nandito. Nakaupo. Nagku-kwentuhan ang iba. Ang iba ay nakatingin sa labas. Ang ilan ay nagbabasa ng libro, dyaryo, magasin, o nagbabasa sa kanilang dalang laptop


Biglang sumara ang mga pinto ng tren. Eto na siguro ang hudyat na aalis na. Lumapit akong bahagya sa saradong ppinto at tinitigan ko ang istasyon ng tren kung saan kani-kanina lang ay nandun ako. Namamatay na ang ilaw sa istasyon. Sigurado ako kahit di ko masyado makita dahil dumidilim ang dako doon. Nalungkot ako. Ni hindi ko nga alam kung saan papunta ang sinasakyan ko. Sino'ng hindi malulungkot?


Gumalaw ang tren. Dahan-dahang umandar. 


"Kung ako sa'yo, uupo ako.", tinig ng isang babae.


Hinanap ko kung saan nanggaling ang tinig.


"Hindi ka ba uupo? Hinaharang mo ang ilaw. Nagbabasa naman ako dito.", reklamo niya.


Magkatalikuran kami ng babae kaso nakaupo siya. Humingi ako ng paumanhin. Hindi sya nagsalita. Nagbabasa lang siya. Puwesto ako sa katapat niya at umupo ako. Dalaga sya. Medyo kulot na di naman gaanong kahabaan o kaiklian ang buhok. Simpleng tingnan. Mukhang mataray. Naka-jacket na kulay rosas. Ang hikaw na kanyang suot ay batay sa pagkakatingin ko ay perlas na kulay puti. Tinitigan ko lang sya na parang naghahanap ng ilalait.


"Hindi kita gusto", sabi niya.


Nakaramdam ako ng sakit sa sinabi niya. Ano bang problema niya? Sa lahat-lahat ng sasabihin sa akin, yun pa. Napaluha ako sa sinabi niyang iyon. Una, malalaman kong nasa ibang lugar na ako ng hindi ko alam. Pangalawa, nakasakay ako dito na hindi ko alam kung saan papunta. Tapos, ngayon ito naman. Tumayo ako sa kinauupuan ko at lumakad patungo sa kanya. Huminto ako at winikang, "Sino bang meron?"


Bumalik ako sa aking silid. Humiga sa aking kama. Ipinikit ko ang aking mga mata habang sinasabi sa sarili na hindi totoo ang mga nangyayaring ngayon. 

¡Tweet!

2 comments:

Anonymous

can't give my objective reactions yet..
seems like there's a sequel...

MORE.. nabitin.. hahahaha

Vallarfax

@akosilea...

Thanks! =)

Post a Comment

:)

Search

 

Followers

Iifa Tree Copyright © 2011 | Tema diseñado por: compartidisimo | Con la tecnología de: Blogger