Ano ang hiling mo?

[Be advised. Filipino language is used in this article.]


Di ko na alam kung ano ang nangyayari sa akin. Oo, magaling daw ako sabi nila. Matalino daw. Ambisyoso sa usapang matino. Madaming gustong abutin sa buhay na 'to. Pero bakit ako ganito nitong nagdaang araw? Nakakaasar na talaga.


Eto ang kwento. 


Biktima kasi ako ng Oras. Literal yun ha? 22 na ako ngayong taon. Isip bata pa rin. Madalas na ang ugali ko ay ganun. Kung tamaan ako ng kidlat bigla, magiging seryoso ako ng walang anu-ano. 


Nagsimula kasi lahat nung nasa sekundarya pa ako. At ang naaalala ko pa noon ay ito ang kauna-unahang hiniling ko sa buhay ko. (At sana di ko na lang hiniling) Malapit na akong magtapos nun. Taong 2004 ito nangyari. Katapusan na ng pasok sa eskwelahan at wala na masyadong ginagawang pag-aaral dahil puro ensayo na lang para sa "Commencement Exercises". 


May nakilala kasi akong dalawang binibini nung mga panahong yun. Ang isa ay nasa ika-tatlong taon habang ang isa nama'y nasa unang taon pa lang. Gusto ko sila dalawa. Kaso, wala akong balak na ligawan ang isa sa kanila kasi pirme ang sabi ko sa sarili ko na ayaw kong magkaroon ng isipin. Tamang libro, libro, libro lang ang problemahin. 


Nagkaroon kami ng kung ano man nung babaeng nasa ika-tatlong taon. Mabait sya. Palangiti. Tsinita ang dating. Naging malapit ako sa kanya at ganun din sya sakin. Sa katunayan ay lagi kaming magkausap sa telepono noon. Gabi-gabi, tinatawagan ko sya. Syempre, masaya. Sino bang hindi?


Humiling ako nung mga panahong yun na sana bumagal ang oras ko para maabutan niya ako. Sinabi ko na sana dumating ang oras na sabay kaming mag-aaral parang magka-klase. Simpleng hiling lang yun na katakot-takot na epekto ang nangyari. Nung mga unang araw, parang wala lang. Walang nangyayari. Kaya ang sinabi ko sa sarili ko na yang mga hiling na yan ay pawang katawa-tawa lamang. Dun ako nagkamali.


Nakapagtapos ako sa sekundarya at di na kami nagkaroon ng kahit kunting komunikasyon nung babae. Ang masaklap pa dun ay natupad ang hiling ko. Nasa unang taon na ako sa kolehiyo ng biglang magloko ang tatay ko. Puro bisyo, at babae. Samakatuwid, sakto ang pagloloko ng tatay. Napatigil ako sa pag-aaral. Isang taon at kalahati din yun. Isa pang epekto nun ay ang paglipat namin ng bahay (hindi tirahan) sa probinsya. Umiyak talaga ako nun. Iniyakan ko ang pag-aaral ko. Gusto ko kasing mag-aral pero parang mapupunta sa wala.


Awa naman ng Diyos ay nakapagtapos ako ng kolehiyo. Kumuha ng CPA board exam nung isang taon pero nakakuha ng "Conditional remark" na kung saan ay kailangang ulitin ang dalawa kong subjects na mababa ang marka. Kaya ayun, bumagal na naman ang oras ko. Kaya eto, aral pa din. Pero ok na yun kaysa nakakuha ako ng "Failed" di ba? Mabuti naman ang pag-aaral ko ngayong mga araw kaso nakaramdam ako ng katamaran o sabihin na nating pagsasawa. Nakakainis kaya. 


Ayoko na nga minsan humiling eh. Nakakatakot. Kung hihiling ako ngayon, yun ay ang maging CPA na ako ngayong darating na mayo. Pakiusap lang po. Halos tatlong taon na po akong huli sa mga balak ko sa buhay. Kung totoo man ang sinabi sakin ng kaibigan kong si Lea na baka may dahilan kung bakit nangyayari sa akin ito, sana lang. Ang tatlong taon kasi, kahit saang anggulo mo tingnan, ay tatlong taon.


At ano na nga ba ang nangyari dun sa babaeng nakilala ko nung sekundarya ako. May nakapagsabi sa'kin na kaklase ko na nabaliw daw yung babae. Nabigla ako. Di ko akalain na magiging ganun sya. Masayahin kasi sya nun. Naaawa ako sa kanya. Pakiramdam ko na parang may kinalaman ako kung bakit sya nagkaganun. Pinaiyak ko kasi sya nung huli kaming mag-usap eh. Sana maging maayos na sya. Nakakaiyak kung makakakita ka ng taong malapit sa'yo na masayahin tapos hahantong na lang sa wala. 


Hiling. Hihiling lang pala. Sinubukan ko nga noon pero ang dami namang nangyaring di maganda. Sadyang ang mundong ito ay mahirap pakisamahan. Matutupad nga naman ang hiling kaso minsan mali pa o minsan talaga ang laki ng kapalit.

¡Tweet!

0 comments:

Post a Comment

:)

Search

 

Followers

Iifa Tree Copyright © 2011 | Tema diseñado por: compartidisimo | Con la tecnología de: Blogger